Chief security ng Bulacan Provincial Capitol todas sa ambush
CALUMPIT, Bulacan — Bulagta ang isang retired police colonel na nagsisilbing chief security ng Bulacan Provincial Capitol matapos tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Brgy. Bagbag, dito kahapon ng hapon.
Dead-on-the-spot ang biktima na kinilalang si Ret. P/Col. Fernando Villanueva, 61-anyos, hepe ng Provincial Security Unit at Bulacan Provincial Jail Management Office.
Sa inisyal na ulat ng Calumpit Police, dakong alas-5:30 ng hapon habang pauwi na si Villanueva lulan ng kulay itim na Mitsubishi Estrada nang paulanan ng bala ng ‘di kilalang mga suspek na sakay ng motorsiklo sa hangganan ng Brgy. Bagbag.
Nagawa pang makalabas sa kanyang sasakyan ang biktima at tinangkang tumakas pero hinabol ng mga suspek saka muling pinagbabaril.
Ang biktima ay dating police provincial director ng Bulacan Police Office at nagtatrabaho sa kapitolyo matapos magretiro sa pagkapulis.
- Latest