Rocket ng PAF attack helicopter sumabog mula airport
Aksidenteng napakawalan sa landing zone
MAGUINDANAO , Philippines — Nagdulot ng takot sa mga residente nang sumabog ang isang rocket matapos na aksidenteng mapakawalan ng MG520 Attack Helicopter ng Philippine Air Force (PAF) habang nasa landing zone ng paliparan sa Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao kahapon ng umaga.
Ito ang kinumpirma ni 6th Infantry Division Spokesperson, Lt. Col. Anhouvic Atillano.
Ayon kay Atillano, lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng 6th-ID na dakong alas-8:15 ng umaga habang nasa landing zone ang MG520 attack helicopter sa Cotabato Airport nang aksidenteng napakawalan ang isang rocket at sumabog ito hindi kalayuan sa firing range ng 6th Division Training School kung saan walang tao at malayo sa mga kabahayan kaya’t walang naiulat na namatay o nasugatan sa insidente.
Isa sa mga nasisilip na dahilan, ayon kay Atillano ay posibleng nagkaroon ng “technical problem” sa weapon system ng naturang helicopter.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang PAF para matumbok ang dahilan kung bakit aksidenteng napakawalan ang rocket ng naturang military helicopter na ginagamit sa air strike.
- Latest