Pabrika ng bomba ng BIFF nalansag
MANILA, Philippines — Nalansag ng tropa ng militar ang pagawaan ng bomba ng mga pinaghihinalaang lokal na teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa isinagawang operasyon ng militar sa Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao nitong Biyernes ng tanghali.
Sa ulat ni Major Gen. Juvymax Uy, Joint Task Force (JTF) Central commander, nagsasagawa ng clearing operations bandang alas-12 ng tanghali ang tropa ng 1st Mechanized Infantry Battalion nang madiskubre ang pabrika ng bomba ng BIFF sa liblib na bahagi ng Sitio Talpok, Brgy. Salman ng bayang ito.
Narekober sa lugar ang isang round ng 105mm unexploded ordnance, isang round ng 60mm unexploded ordnance, sari-saring components ng Improvised Explosive Device (IED) kabilang ang fuses, switches, blasting caps, shrapnel at iba pa gayundin ang mga propaganda materials.
Sinabi naman ni Lt. Gen. Corleto Vinluan Jr., commander ng AFP-Western Mindanao Command na ipagpapatuloy ng mga sundalo ang pagtugis laban sa BIFF na nasa likod ng paghahasik ng terorismo sa Central Mindanao.
- Latest