HVT utas sa shootout, parak sugatan
MANILA, Philippines — Patay ang isang itinuturing na high value target (HVT) habang isa namang pulis ang nasugatan matapos na mauwi sa shootout ang buy-bust operation ng pulisya sa Brgy. Sinuda, Kitaotao, Bukidnon kamakalawa.
Sa ulat ni Bukidnon Police Provincial Police Office (PPO) director P/Col. Roel Lami-ing, alas–6 ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang mga elemento ng Kitaotao Municipal Police Station, 1st at 2nd Bukidnon Provincial Mobile Force Company (PMFC),1003rd Regional Mobile Battalion at PDEA sa nasabing lugar base sa search and seizure warrant na inisyu ni RTC 10, Branch 8 Judge Isobelle Barroso laban kay Johalem Saripada Abbas alyas “Tonton” na Top 3 sa PNP–PDEA target list sa regional level.
Kasalukuyang isinisilbi ng mga operatiba ang search warrant laban sa suspek sa kasong droga nang biglang bumunot ng cal. 45 pistol at mga kasamahan nitong sina Honorio delos Santos, Samsodin Abbas at Ricky Ian delos Santos saka pinaputukan ang mga operatiba sanhi ng barilan.
Tumimbuwang ang target na si alyas Tonton habang sugatang nakatakas ang tatlo. Nasugatan din sa hanay ng pulisya si Patrolman Romie Millar.
Narekober dito ang 40 plastic sachet ng shabu (P94,000), isang cal 5.56 na may 27 bala, mga drug paraphernalia, 9 sachet pa ng droga na nasa damit ng nasawing suspek at ang cal. 45 pistol nito.
- Latest