1,000 pulis sa Central Luzon umalerto sa Taal eruption
MANILA, Philippines — Isang libong pulis sa Central Luzon ang umalerto at naka-standy na para sa deployment sa disaster at relief operations matapos ang phreatic explosion ng Taal volcano sa Batangas.
Ayon kay Central Luzon Police Director Brig Gen. Rhodel Sermonia, nasa full alert status na rin ang buong puwersa ng pulisya sa kanyang nasasakupan matapos na umabot na sa ilang bahagi ng kanilang rehiyon ang ashfall.
Sinabi ni Sermonia, mahigit 1,000 search and rescue personnel ang naka-standby sa Central Luzon na may dalawang MAN trucks, isang canter truck at isang coaster van.
Kaugnay nito, binuo naman ang command post sa Tagaytay City at anim na munisipalidad sa Cavite para sa monitoring ng mga evacuees na direktang apektado ng phreatic explosion ng Taal volcano.
“The PNP CALABARZON declared full alert status to provide immediate response to the victims of Mt. Taal eruption that affected Cavite and Batangas areas,” pahayag ni Cavite Police Officer-in-Charge Col. Marlon Santos sa pakikipagkoordinasyon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO).
Ang mga ito ay direktang nagmomonitor sa mga evacuation centers sa Amadeo, Silang, Tagaytay City, Mendez, General Mariano Alvarez, Alfonso at Bacoor.
Nabatid na si Senador Francis Tolentino ang nagpatawag ng Taal Volcano Crisis Command Conference na ginanap sa Tagaytay International Convention Center (TICC) na dinaluhan ng mga opisyal ng militar, pulisya at maging ng lokal na pamahalaan.
“The conference focused on the situation updates re eruption of Mt. Taal, road clearing operations, rescue operations, and allocation of financial and logistical support from the local and national government,” anang opisyal.
Nabatid pa kay Santos na nasa 88 pulis ang idineploy sa Tagaytay City at Silang para sa road clearing operations habang may mga naka-standby rin sa search and rescue operations.
- Latest