Mister binoga sa tapat ng bahay
MANILA, Philippines — Patay ang mister ng isang public school assistant principal nang pagbabarilin ng ‘di pa natutukoy na riding-in-tandem habang naglilinis sa tapat ng kanilang bahay sa Purok Pag-asa, Brgy. San Jose, Koronadal City, South Cotabato kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawing biktima na si Roquito “Onyot” Dalmacio Jr., 52, residente ng nasabing lugar.
Ayon sa ulat, dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo ang bumaril kay Dalmacio, alas-7:30 ng umaga.
Agad namang tumakas ang mga suspek na kapwa naka-bonet matapos matiyak na wala nang buhay ang target.
Inihayag naman ni Miguel “Otong” Dalmacio, kapatid ng biktima na hindi nito malaman kung ano ang motibo sa pamamaril.
Napag-alaman na, nagwawalis sa daan sa harapan mismo ng tahanan nito si Dalmacio nang mangyari ang pamamaslan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang krimen.
- Latest