3 BIFF terrorist utas sa engkwentro
WESTERN MINDANAO, Philippines — Tatlong terorista na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napaslang sa isinagawang operasyon ng militar na nagbunsod ng engkuwentro sa Shariff Saydo- na Mustapha, Maguindanao kahapon.
Ayon kay AFP-Western Mindanao Command (AFP-Westmincom) Spokesman Major John Arvin Encinas, ang bangkay ng mga terorista ay narekober ng tropa ng 33rd Infantry Battalion ng Phi-lippine Army at 12th Special Forces Company sa isinagawang clearing operation sa lugar bandang ala-1 ng hapon.
Sinabi ni Encinas na nagsagawa ng surgical operation ang Joint Task Force Central laban sa grupo ng BIFF sa ilalim ng paksyon ni Bungos kahapon ng umaga. Ilang oras matapos ang bakbakan, nagsitakas ang mga kalaban at agad na nagsagawa ng combat clearing operations ang mga sundalo.
Narekober sa encounter site ang isang 5.56mm K2 assault rifle at isang cal. 45 pistol.
Samantala, sa clearing operation ng 57th Infantry Battalion sa Brgy. Pamalian, Shariff Saydona ay narekober ang tatlong M16 rifle, tatlong improvised explosive device (IED) at anim na improvised hand grenade na naiwan ng BIFF terrorists sa pagmamadaling tumakas.
Inihayag naman ni AFP-Westmincom Chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana na magpapatuloy ang surgical operations ng tropa ng mga sundalo laban sa nalalabi pang miyembro at mga opisyal ng BIFF na namumugad sa Central Mindanao.
- Latest