May-ari ng motor shop itinumba
CAVITE, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi nakilalang salarin ang isang motor shop owner habang sakay ng motorsiklo sa kahabaan ng Southwoods Boulevard, Brgy. Cabilang Baybay sa bayan ng Carmona.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Bobby Sierra, nasa hustong gulang, isa ring mekaniko at residente ng Purok 2, Brgy. Milagrosa, Carmona, Cavite.
Hindi naman nakilala ang suspek na mabilis na tumakas sakay ng isang Mio black motorcycle tangay ang ginamit na armas.
Sa ulat ng pulisya, alas- 3:00 ng hapon habang sakay ang biktima ng kanyang Suzuki motorcycle (3094 WR) at bumabagtas sa nasabing lugar nang mula sa kung saan ay dikitan siya ng suspek lulan din ng motorsiklo saka sunud-sunod na pinagbabaril.
Pinuntirya ng suspek na patamaan ng bala ang ulo ng biktima upang masigurong patay.
Bago ang insidente, huling nakitang buhay ang biktima sa shop nito na may kausap na isang kliyente. Nang matapos, umalis siya sakay ng kanyang motorsiklo at dito na nga naganap ang pamamaslang.
- Latest