Titser, 5-anyos anak patay sa tandem!
MANILA, Philippines — Isang guro na idinadawit sa investment scam at 5-anyos na anak ang kapwa patay matapos silang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang sakay ang mag-ama ng kotse sa harap mismo ng kanilang bahay sa Purok Abrenica, Barangay GPS, Koronadal City, South Cotabato nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Bryan Togonon, 31-anyos, coordinator umano ng isang investment company at paslit na anak na si Niccolo na kapwa isinugod sa pagamutan matapos ang krimen pasado alas-7:00 ng gabi pero parehong hindi na umabot nang buhay.
Ayon kay P/Lt. Col. Joefel Siason, hepe ng Koronadal City Police Station, nahirapan ang pulisya na matukoy ang mga suspek dahil may takip ang kanilang mga mukha.
Lumalabas sa imbestigasyon na bumili lang ng gatas ang mag-ama sa sentro ng lungsod nang sundan ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo sa Barangay GPS saka sila pinagbabaril bago makapasok sa kanilang tahanan.
Sinabi ni Siason na tinitingnan ngayon ng pulisya ang posibilidad na may kinalaman ang krimen sa mga investment scheme dahil nagsilbi umanong coordinator ng investment company si Bryan na maaaring hinahabol ng mga investors.
Nabatid na lumapit na noon ang biktima sa Koronadal City Police para humingi ng tulong matapos makatanggap umano ng pagbabanta kaugnay sa investment scheme.
- Latest