‘Pangingikil, motibo sa Isulan bombing’
MANILA, Philippines — Ang pangingikil ng mga teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) Dawlah Islamiyah ang motibo sa pagpapasabog sa Isulan, Sultan Kudarat noong Sabado ng umaga. Ayon kay Western Mindanao Command (Wesmincom) Commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana, naniniwala siyang ang BIFF ang nasa likod ng pagsabog sa public market ng Isulan na ikinasugat ng walo katao dahil sa desperadong pagkilos ng mga terorista bunsod ng kanilang extortion activities. Nasa P250,000 extortion money aniya ang hinihingi ng teroristang grupo sa pangunguna ng Dawlah Islamiyah Abu Toraife group. Mismo umanong ang local government ng Isulan ang kinikikilan ng teroristang grupo at dahil hindi ibinigay ang kanilang kahilingan ay muling naglunsad ng pambobomba. Parehong grupo umano ang responsable sa pagpapasabog sa Carlitos Restaurant noong Abril at sa public market kamakalawa.
- Latest