Magdyowa natagpuang patay sa pickup
‘Crime of passion’ sinisilip
MANILA, Philippines — Kapwa patay ang isang 59-anyos na negosyante at umano’y nobya ng 19-anyos na saleslady nang matagpuan sa loob ng isang nakaparadang pickup truck sa parking lot ng isang motel sa itinuturing na “crime of passion” sa Brgy. San Antonio, Roxas, Isabela kahapon ng umaga.
Ayon kay Police Major Arturo Cachero, officer-in-charge ng Roxas Police, bandang alas-7:45 ng umaga nang madiskubre ng mga kawani ng motel ang mga duguang bangkay sa loob ng isang Toyota pickup (AJA-1218) sa parking area ng Myx Miniotel sa lugar.
Sinabi ni Cachero na agad namang nagresponde ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) team ng Roxas Police at nakita ang tama ng bala sa kanang bahagi ng salaming bintana ng behikulo.
Sa isinagawang beripikasyon, nakilala ang dalawa na sina Tomas Greycochia, 59, biyudo, ng Brgy. Rizal, Roxas, Isabela at ang babaeng kasama nito ay si Cristina Gragasin, saleslady ng Brgy. Nueva Era, San Manuel, isabela.
Nakitaan ng tama ng bala sa kaliwang sentido ang babae at sa kanang sentido naman ang lalaki na may-ari ng isang footwear store.
“May nakuhang 2 basyo ng bala at isang cal. 9mm ang SOCO team sa loob ng vehicle,” ayon kay Cachero.
Ang baril na hinihinalang ginamit sa krimen ay sa drivers seat narekober ng mga awtoridad.
Sa beripikasyon sa Land Transportation Office (LTO), nadiskubre na ang behikulo ay nakarehistro sa isang Ryan Gutierrez ng Brgy. Eden, San Manuel, Isabela.
Sinabi ng opisyal na ang insidente ay itinuturing na isang “crime of passion” kung saan may posibilidad umanong nag-away ang magsing-irog at napatay ni Greycochia ang nobya bago nito binaril ang sarili sa hindi pa malamang dahilan.
- Latest