NPA attack: Sundalo utas, pulis at 2 pa kinidnap
TUGUEGARAO CITY, Cagayan , Philippines — Patay ang isang sundalo ng Philippine Army habang tatlong katao kabilang ang isang pulis ang dinukot ng mga pinaniniwalaang rebeldeng New People’s Army (NPA) na lumusob sa ikalawang beses sa isang anti-logging checkpoint ng pamahalaan sa Brgy. Sindon Bayabo, Ilagan City, Isabela noong Huwebes.?
Kinumpirma ni Capt. Noriel Tayaban, tagapagsalita ng 5th Army Division na isang sundalo ang napatay sa bakbakan na pumutok dakong alas-5:20 ng umaga. ?
Samantala, sa hindi kalayuan ng nagaganap na sagupaan sa dako ng Barangay Kapaltatan, dinukot ng mga armado si PO2 Danilo Maur na miyembro ng Ilagan City Police at dalawang sibilyan na sina Jomel Sanchez at Richard Samusam.?
Hindi pa nilinaw ng pulisya kung bakit nasa lugar ng bakbakan ang nawawalang pulis.?
Una nang nilusob ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang kasapi ng NPA ang nasabing checkpoint noong Martes.?
Ayon sa report, pinakawalan ng mga armado sina Sanchez at Samusam nang bandang hapon na at dinala ng mga awtoridad kay Isabela Police Director Sr. Supt Mariano Rodriguez para sa kaukulang pagtatanong.
- Latest