4 hostages sa Zambo, nasagip
MANILA, Philippines — Matapos ang 9 na araw na pagkakabihag, nasagip ng tropa ng militar ang apat katao mula sa kanilang abductors sa isinagawang rescue operation sa isang liblib na lugar sa bayan ng Sirawai, Zamboanga del Norte nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ni Captain Jo-ann Petinglay, spokesperson ng AFP–Western Mindanao Command ang nailigtas na mga bihag na sina Roger Jung–an; Jomar Maglangit, Jomar Mantangan at Raymond Purisima.
Sinabi ni Petinglay, ang mga biktima ay mga chainsaw operators at manggagawa; pawang ng Brgy. San Vicente, Sirawai, Zamboanga del Norte na dinukot ng mga armadong kalalakihan sa kagubatan ng Brgy. Panabutan ng nasabing bayan noong Marso 3.
“They were originally five when they were kidnapped, however, one of them was hit in the crossfire during an encounter between our soldiers and their captors last March 7,” pahayag ni Maj. Gen. Roseller Murillo, commander ng Joint Task Force Zampelan (Zamboanga Peninsula, Lanao).
Sinabi ni Murillo na nagpanik ang mga tinaguriang lawless elements sa pamumuno ni Commander Jamilon Wahab sa pursuit operations ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar kaya inabandona ang mga hostages at saka nagsitakas.
Agad na isinailalim sa medical checkup at debriefing ng tropa ng military ang mga nasagip na bihag. Di pa tinukoy kung anong grupo ang responsible sa mga pagdukot.
- Latest