Simbahan niransak, ninakawan
MANILA, Philippines - Hindi na iginalang ang kasagraduhan ng simbahan matapos itong pagnakawan ng mga notoryus na kawatan sa Barangay Poblacion, bayan ng Pangantucan, Bukidnon kamakalawa. Sa ulat ng Bukidnon Police na isinumite sa Camp Crame, pinaniniwalaang naganap ang nakawan sa parish office compound dakong alauna ng madaling araw. Ang insidente ay nadiskubre kinaumagahan ni Bobby Esguerra, personnel in-charge ng parish priest convent compound sa nasabing lugar. Sa pagsusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nawawala ang laman ng safety bolt box na P185,000 mula sa abuloy ng mga deboto sa nasabing simbahan. Ayon sa mga imbestigador, nagawang makapasok ng mga kawatan sa simbahan matapos wasakin ang iron grills ng bintana sa likurang bahagi ng compound. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya.
- Latest