‘Oplan Listo’ protocols sa LGUs ipatupad – DILG 

MANILA, Philippines — Dahil sa inaasahang paghagupit ng super typhoon Betty, kinalampag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na maghanda sa inaasahang paglakas ng southwest monsoon o Habagat na siyang magdadala ng pag-ulan dahil sa epekto ng bagyo.

Sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr. hindi lang si Betty ang dapat paghandaan ng mga LGUs at ng mamamayan kundi pati ang Habagat na magdadala ng malalakas na pag-ulan at pagbaha.

Ayon kay Abalos, may mga protocols na dapat sundin ang mga LGUs tuwing may bagyo na nakapaloob sa Operation Listo manual at kabilang  dito ang pagtiyak na operational at kumikilos ang kani-kanilang Emergency Operations Center para sa paghahanda at pagtugon sa mga emergency dulot ng bagyo.

Ipinag-utos din ni Abalos ang agarang pagtatalaga ng mga posibleng evacuation centers at pagsasagawa ng preemptive evacuation para sa mga naninirahan sa mga lugar na tinuturing na danger zones.

Para naman sa mga coastal at island barangays, nanawagan si Abalos na tutukan ang lagay ng panahon at ipagbawal na ang pangingisda at paglalayag kung kinakailangan.

Pinaalalahanan din ng Kalihim ang publiko na patuloy na maging alerto hinggil sa sama ng panahon.

Show comments