69% ng mga Pinoy, hirap makahanap ng trabaho

Ito ay batay sa resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey na isinagawa sa unang quarter ng 2023 at lumitaw na nasa 69% ng mga adult Pinoy ang hirap na makahanap ng trabaho sa ngayon.
Miguel de Guzman / File

MANILA, Philippines — Mayorya ng mga Pilipino ang nagsabing mahirap makahanap ng trabaho sa panahong ito.

Ito ay batay sa resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey na isinagawa sa unang quarter ng 2023 at lumitaw na nasa 69% ng mga adult Pinoy ang hirap na makahanap ng trabaho sa ngayon.

Ayon sa SWS, lumitaw rin naman sa survey, na nasa 11% lamang ng mga respondents ang nagsabi na madali lamang makahanap ng trabaho sa ngayon habang 16% naman ang nagsabing hindi madali at hindi rin mahirap ang paghahanap ng trabaho at 4% naman ang nagsabi na hindi nila alam.

Sinabi ng SWS na simula pa 2011 ay mahirap na para sa mga Pinoy ang maghanap ng trabaho.

Nasa 50% naman ng mga respondents ang naniniwala na magkakaroon ng mas maraming trabaho sa susunod na 12 buwan.

Gayunman, nasa 26% ang naniniwala na walang magiging pagbabago at 10% ang naniniwala na magiging mas kaunti pa ang trabaho habang 14% ang sumagot ng hindi nila alam. Simula pa 2009, maliban noong kasag­sagan ng pandemya, optimistiko na ang mga Pinoy hinggil sa availability ng trabaho.

Ayon sa SWS, nasa 1,200 Pinoy na nagkaka-edad ng 18-anyos pataas ang naging respondents nila sa naturang survey,  na isinagawa mula Marso 26 hanggang 29 at mayroong sampling error margin na ±2.8%. - Angie dela Cruz

Show comments