AFP bantay-sarado ang 300 barangay vs NPA

MANILA, Philippines — Nasa 300 barangay sa buong bansa na posibleng maimpluwensiyahan ng New People’s Army (NPA) sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang bantay sarado ngayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar, ang mga barangay ay dati nang na­ging kuta ng mga rebelde, su­balit na-clear na ng pama­halaan kaya tinatangka umano muling pasukin ng teroristang grupo.

Sinabi ni Aguilar na sisiguraduhin ng AFP na hindi makakapaghasik ng kaguluhan ang NPA sa naturang mga barangay  lalo na sa pagsasagawa ng  BSKE sa Oktubre 30.

Sa ngayon aniya ay inaalam ng AFP ang mga election hotspot upang agad na magawan ng aksiyon.

Bagama’t hindi naman itinuturing na election hotspots ang naturang mga barangay, sinabi ni Aguilar na mahalagang mapanatili na malaya na ang mga barangay mula sa pananakot at pangha-harass ng mga rebelde.  

Show comments