EX-Governor Teves may private armed group - STF Degamo
MANILA, Philippines — Matapos ang pagkakadiskubre ng mga baril, bala at pampasabog ay kumbinsido ang Special Task Force Degamo na may private armed group ang kapatid ng suspendidong si Cong. Arnie Teves na si dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves.
Sa isinagawang press conference sa Camp Crame, iisa ang pahayag nina Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Jr, Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Andres Centino na may grupo si Teves batay na rin sa nahukay na mga matataas na kalibre ng baril, bala at pampasabog sa compound ng sugar mill sa Sta. Catalina.
Ayon kay Azurin, posibleng nagamit o gagamitin pa ang mga nahukay na armas na naagapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nang salakayin sa bisa na rin ng search warrant.
Aniya, agad niyang inutos ang pagsasailalim sa imbestigasyon ng Firearms and Explosive Office (FEO) ang mga nahukay na armas lalo pa’t hindi dapat nasa pag-iingat ng subject ng warrant tulad ni Teves ang mga matataas na kalibre ng baril at mga pampasabog.
Binigyan diin naman ni Centino na sa dami pa lamang ng mga nakuhang mga baril at pampasabog, posibleng nagamit ito sa mga criminal activities.
Sinabi naman ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos. Jr. na walang indibidwal na mag-iipon ng sangkaterbang armas at mga pampasabog kung walang gagawing krimen.
- Latest