P120 milyong puslit na poultry, seafood items nadiskubre sa Navotas
MANILA, Philippines — Aabot sa P120 milyon halaga ng mga hinihinalang smuggled poultry at seafood products na nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa serye ng mga pagsalakay na kanilang isinagawa sa pitong warehouses o cold storage facilities sa Navotas City nitong Biyernes (Marso 17, 2023).
Nilagdaan ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang Letters of Authority (LOAs) upang mag-implementa ang mga operatiba na binubuo ng BOC, Customs Intelligence and Investigation Service sa Manila International Container Port (CIIS-MICP), Department of Agriculture Inspectorate and Enforcement Office (DA-IE), National Meat Inspection Service (NMIS), at Philippine Coast Guard (PCG), ang nagtungo sa mga bodega sa Navotas City.
Si CIIS-MICP chief Alvin Enciso ang nanguna sa BOC team sa pagsisilbi ng LOAs, kasunod ang pag-iinspeksiyon sa mga bodega na pinapurihan ni Rubio dahil sa isinagawang mabilis na pag-aksiyon.
Sa isinagawang pag-iinspeksiyon sa mga bodega, nadiskubre ng grupo ang iba’t ibang poultry products, gaya ng frozen pork legs, chicken drumsticks, pork spareribs, squid rings, crayfish, pork ears, pork hinges, balone, brawley beef, pork aorta, chicken feet, pork riblets, golden pampano, pangasius fillet, boneless pork ham, fish tofu, at pork ears.
Bagama’t karamihan sa mga frozen seafood ay mula sa China, mayroon ding mga beef mula sa Brazil at Australia, pork mula sa United States, at pork ears mula sa Russia.
Ang grupo, na sinamahan ni DA Assistant Secretary James Layug, Navotas City Lone District Representative Toby Tiangco, at mga personnel mula sa Business Permit and Licensing Office (BPLO), ay nagprisinta ng mga kopya ng LOA sa mga kinatawan ng mga bodega kung saan nadiskubre ang mga hinihinalang smuggled goods.
Pansamantalang ipinadlak at isinelyo ang mga bodega, kabilang ang mga bakanteng storage facility, at ang susi ng mga ito ay itinurn-over sa mga opisyal na barangay na sumaksi sa inspeksiyon.
- Latest