Pulis na akusado sa Dacer-Corbito murder case, nadakip
Nagtago ng 22 taon…
MANILA, Philippines — Makalipas ang 22 taong pagtatago sa batas ay bumagsak na sa kamay ng batas ang dating pulis na akusado sa Dacer-Corbito murder case, sa isinagawang operasyon ng mga otoridad sa lalawigan ng Bulacan, nitong Enero 22.
Sa ulat na ipinadala kay NCRPO chief, P/Major General Jonnel Estomo, sa pangunguna ng Cebu Police, kasama ang Bulacan Police at Regional Special Operations Group (RSOG) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ay nadakip ang National Level Most Wanted Person with Reward na si SPO1 William Flores Reed III, 57-anyos, ala 1:10 ng gabi sa Brgy. Poblacion, Pulilan, Bulacan.
Batay ito sa warrant of arrest na may petsang Mayo 25, 2001 na nilagdaan ni Hon. Rodolfo Ponferrada, Presiding Judge RTC Branch 41, Manila na naka-docket sa ilalim ng CC # 01-191969 para sa double murder na walang nakalaang piyansa kaugnay ng pagpatay kina Salvador Dacer at Emmanuel Corbito noong Nobyembre 24, 2000 sa Makati City.
Ang akusadong pulis na nakapiit ngayon sa RSOG detention facility ay nasa talaan ng Most Wanted Persons (National Level) sa DILG Memorandum Circular No 2003-106 na may petsang Enero 10, 2023 na may P250,000.00 reward.
- Latest