90% ng license plate backlogs target tapusin ng LTO sa 2023
MANILA, Philippines — Sa katapusan ng taong 2023 ay target ng Land Transportation Office (LTO) na matapos ang kahit hanggang 90 porsyento ng produksyon ng mga backlog ng mga plaka ng sasakyan.
Ayon kay LTO Chief Teofilo Guadiz III, gagamitin ng LTO ang sariling planta nito upang makagawa ng mga plaka kahit ilang porsyento ng kabuuang kakulangan bago matapos ang taon.
Para naman sa mga plakang hindi matatapos magawa ngayong taon ay plano ng ahensya na kumuha ng serbisyo ng pribadong kumpanya upang kayaning makumpleto ang kahit 90-porsyento ng backlog pagsapit ng Disyembre ng susunod na taon.
Nauna nang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang P4.7 bilyong pondo para tugunan ang mga backlog sa mga plaka ng sasakyan bagama’t ang hininging pondo ng LTO ay nasa P6.83-bilyon.
Gayunman, nananatiling positibo si Guadiz na maaaprubahan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang buong pondo na hinihingi nito para sa mga backlog ng plaka ng sasakyan.
Sa ngayon ay umaabot sa 2.3 milyong pares ng replacement plates o ang pagpapalit ng mga plakang may berdeng character at puting background tungo sa itim na character at puting background ang kailangang matapos habang mayroong 11.5 milyon ang backlog para sa mga plaka ng motorsiklo.
- Latest