Magdudulot ng malaking panganib sa pananalapi pagtatayo ng SEZ, freeport sa Bulacan vineto

MANILA, Philippines — Sa ikalawang araw ng kanyang pag-upo sa Malacañang, agad nagtrabaho si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kanyang vineto ang isang “enrolled bill” o planong pagtatayo ng special economic zone (SEZ) at freeport sa Bulacan 

Sa sulat na ipinadala ni Marcos sa tanggapan ng Senate President, ipinaliwanag nito na hindi niya susuportahan ang “naturang panukalang batas dahil magdadala ito ng malaking panganib sa pananalapi ng bansa.

Binanggit ni Marcos na kinikilala niya ang layunin ng panukala na palakasin ang lokal na ekonomiya pero mayroon itong probisyon na magdudulot ng “substantial fiscal risks” sa bansa at sasalungat sa mandato at awtoridad ng ibang ahensya.

Kabilang sa nakitang butas ni Marcos sa enrolled bill ay ang kawalan ng audit provisions para sa Commission on Audit.

Pinuna rin nito ang proseso para sa pagbaba­yad sa mga lupang masasakop ng SEZ na naibigay na sa mga benepisyaryo ng Agrarian Reform. Wala rin aniyang master plan para sa economic zone.

Ang balak din na itayong SEZ sa Bulacan aniya ay masyadong malapit sa Clark Special Economic Zone na labag sa polisiya ng gobyerno sa pagtatayo ng mga SEZs sa mga strategic locations.

Sinabi ni Marcos na dapat magkaroon muna ng malalim na pag-aaral ang National Economic and Development Authority (NEDA) tungkol sa panukala na ibinalik sa Kongreso.

Show comments