Larawan ni Imelda sa billboard na nag-trending, pinatatanggal

Imelda Marcos
STAR / Boy Santos, file

MANILA, Philippines — Matapos mag-trending sa social media ang ma­laking billboard na nagpapakita ng larawan ni dating First Lady Imelda Marcos na bumabati sa kanyang ika-93 kaarawan, umalma naman kahapon ang direktor ng documentary na “The Kingmaker” dahil sa aniya’y “pagnanakaw” sa larawang ito na kanyang pag-mamay-ari.

Unang nag-trending sa Twitter kahapon ang nasabing billboard na inilagay sa isang mataas na gusali sa kahabaan ng JP Rizal Makati dahil sa nakasulat na 93th.

Marami ang pumuna at nagsabi na dapat ay 93rd sa halip na 93th ang inilagay sa pagbati sa ika-93 kaarawan ng dating Unang Ginang na ngayo’y Presidential mom.

Sa tweet, sinabi ng director ng The Kingmaker na si Lauren Greenfield na kung sinuman ang nagnakaw ng imahe para batiin ng Happy Birthday si Imelda ay hindi nakakaintindi ng copyright infringement.

“Clearly, whoever stole my image to wish Imelda Happy Birthday doesn’t understand copyright infringement…” tweet ni Greenfield @lgreen66.

Sa tweet at post sa Facebook, sinabi ni Greenfield na ipinabatid sa kanya ng mga kaibigan sa Pilipinas ang paggamit ng kanyang larawan ni Imelda.

Partikular na tinukoy ni Greenfield ang kompanya na Digital Out of Home PH na pag-aari ng isang Alvin Cattanza, na isang kilalang Marcos “apologist, na siyang gumamit ng pag-aari niyang larawan ni Imelda.

Show comments