Sekyu nag-dive sa tunnel sa Quezon City, patay

Dead-on-the-spot ang biktimang si Gerald Bolasoc, 45, residente ng Block 30, Palay St., Farmers 2, Tumana, Marikina City bunsod ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at mga bali ng kanyang mga buto.
File

MANILA, Philippines — Patay ang isang motorcycle rider na security guard matapos bumangga ang kanyang sinasakyang motorsiklo sa center island ng Quezon Avenue, na nagresulta upang mag-dive at bumagsak sa may tunnel ng Brgy. Pinyahan sa Quezon City kahapon ng madaling araw.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Gerald Bolasoc, 45, residente ng Block 30, Palay St., Farmers 2, Tumana, Marikina City bunsod ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at mga bali ng kanyang mga buto.

Batay sa ulat ni PCPL Kenneth Refugia, ng Traffic Sector 6, ng Quezon City Police District (QCPD), nabatid na dakong alas-3:00 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Quezon Avenue, kanto ng EDSA sa Brgy. Pinyahan.

Lulan umano ang biktima ng kanyang Yamaha Mio Gravis Motorcycle na may plakang 961QBM at binabagtas ang Quezon Avenue patungong Quezon City Memorial Circle, nang pagtawid sa kanto ng EDSA ay bigla na lang itong mawalan ng kontrol sa motorsiklo.

Bumangga ang motorsiklo sa center island na nasa kanyang kaliwang bahagi, sanhi upang mag-dive ang biktima pabagsak sa tunnel ng Quezon Avenue, na tinatayang nasa 20 talampakan ang taas habang ang kanyang motorsiklo ay naiwanan naman sa ibabaw ng Quezon Avenue.

Tumalsik pa umano ang helmet ng biktima sanhi upang bumagok ang kanyang ulo sa sementadong kalsada ng tunnel at magtamo ng matinding pinsala na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan. 

Show comments