Mister nasita sa face mask, tiklo sa shabu sa Caloocan

MANILA, Philippines — Nagsilbing susi ang hindi pagsusuot ng face mask ng isang 44-anyos na mister matapos na mahulihan ng shabu na tinangka pa nitong lunukin nang sitahin ng mga awtoridad sa Caloocan City nitong Sabado ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan City Police Chief P/Col. Samuel Mina Jr., ang naarestong suspect na si Benjamin Cabintoy ng Diam St., Brgy. Gen. De Leon, Valenzuela City.

Sinabi ni Mina, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng Sta. Quiteria Police Sub-Station 6 sa kahabaan ng Apple Ville, Brgy. 162 dakong alas-12:30 ng madaling araw nang maispatan nila ang suspect na walang suot na face mask habang guma­gala sa lugar.

Nang lapitan at hina­napan ng kanyang ID ay tinangkang tumakas ng suspect subalit nagawa itong makorner ng mga pulis at inaresto dahil sa paglabag sa Art 151 ng Revised Penal Code. Nahalata rin ng mga pulis na may tila kung anong itinatago ang nasabing suspect.

Narekober sa suspect ang tinangka nitong lunukin na isang transpa­rent plastic sachet na nag­lalaman ng hinihinalang shabu na nasa P2,448 ang halaga.

Show comments