Tangkang pagpuslit ng P85 million frozen meat, napigilan ng BOC
MANILA, Philippines — Napigilan ng Bureau of Customs (BOC) ang tangkang pagpuslit ng nasa P85 milyong halaga ng mga illegally imported na agricultural at poultry products na nakapasok sa Manila International Container Port (MICP).
Tiniyak ng BOC na sasampahan nila ng kasong smuggling at iba pang kaukulang kaso ang consignee ng naturang smuggled products na Jeroce Consumer Goods Trading at ang broker nito na si Gilbert Gucilatar Lopez, para sa naturang limang shipment na dumating noong Hunyo 15. Kabilang umano sa mga naturang kaso ay ang paglabag sa Sections 117 (regulated importation and exportation) at 1400 (misdeclaration) in relation to Section 1113 (property subject to seizure and forfeiture) ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
“The shipments undergone 100 percent examination and found to contain frozen chicken thigh, frozen chicken breast, frozen chicken skinless breast, frozen chicken peeled breast, and frozen pork rectum with estimated value of P85 million,” ayon kay Customs Deputy Commissioner for Intelligence Raniel Ramiro.
Sinaksihan ng mga customs agents ang 100% examination ng limang 40-foot containers na naka-consigned sa Jeroce Consumer Goods Trading kamakalawa sa MICP at natuklasang ang mga ito ay pawang misdeclared goods na mula China.
Pinuri naman ni Ramiro ang operasyon, gayundin ang intelligence sources na naging dahilan upang mapigilan ang naturang agricultural smuggling.
- Latest