Sara: Mandatory ROTC gawing prayoridad sa ilalim ng Marcos admin
MANILA, Philippines — Umaasa si Vice President-elect Sara Duterte na makakasama ang mandatory Reserved Officers Training Corps (ROTC) sa priority legislative agenda ng susunod na administrasyon.
“The executive and legislative agenda will be decided between the president and the Congress. I hope that will be included since marami namang pending bills diyan sa Congress with regard to that, iba-iba ang pangalan, iba-iba ang titles so sana masama siya,” pahayag ni Duterte.
Matatandaang noong campaign period, sinabi ni Duterte na isusulong niya ang mandatory military service para sa 18-anyos na mga Pilipino pagnahalal siya bilang bise presidente.
Nais ni Duterte na pamarisan ng Pilipinas ang mandatory military service na ipinatutupad sa South Korea, North Korea, Egypt, China, Japan at iba pa.
Magugunita na ang mandatory ROTC program ay ipinatigil matapos ipasa ang Republic Act 9163 o ang An Act Establishing The National Service Training Program ( NSTP).
Ang nasabing batas ay ipinasa noong Marso 2001 matapos namang mapatay si UST student Mark Wilson Chua ng umano’y mga ROTC handlers nito dahilan sa pagbubulgar ng korapsyon sa ROTC Corps.
- Latest