Bilang ng jobless Pinoy, nabawasan
MANILA, Philippines — Nabawasan ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho noong buwan ng Abril 2022.
Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 2.76 milyon na lamang o 5.7 percent ng mga Pinoy ang walang trabaho noong Abril.
Mas mababa ito kumpara sa 4.14 milyong walang trabaho noong Abril 2021 at 2.87 milyong walang trabaho noong Marso 2022.
Sinabi pa ng PSA na ito na ang pinakamababang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho mula nang tumama ang pandemya sa COVID-19 may dalawang taon na ang nakararaan.
Nabatid na nasa 48.39 milyon ang bilang ng labor force sa bansa at ang employment rate ngayong Abril ay naitala sa 94.3% habang 6.40 milyon naman ang bilang ng underemployed nitong Abril 2022 base sa pag-aaral ng PSA.
Nitong Abril 2022, ang Northern Mindanao ang nakapagtala ng pinakamataas na Labor Force Participation Rate na nasa 68.7% at sa kabilang banda, ang Davao Region ang may pinakamababang labor force participation rate na nasa 57.4%.
Sa usapin ng employment rate, ang Zamboanga Peninsula ang nakapagtala ng pinakamataas na nasa 97.1%, habang ang BARMM naman ang may pinakamababa na nasa 91.9% nitong Abril 2022.
Nitong Abril 2022, ang NCR, Regions I, 4A, 5, 8, at BARMM ay nakapagtala ng unemployment rate na mas mataas kaysa sa national average na nasa 5.7%. - Danilo Garcia
- Latest