DILG sa LGUs: Magpatupad ng ‘no CCTV, no business permit’ policy
MANILA, Philippines — “Magpasa ng mga ordinansa hinggil sa pagpapatupad ng ‘no CCTV, no business permit policy.”
Ito ang paghimok kahapon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año, na concurrent Chairperson ng National Peace and Order Council sa lahat ng local government units (LGUs) sa bansa dahil bumabalik na ang mga mamamayan sa kanilang pre-pandemic ways.
Magiging malaking tulong aniya sa pagtiyak ng public safety kung gagawing requirement ng mga LGUs ang instalasyon ng mga closed-circuit television (CCTV) systems, sa pagkuha ng business permits ng mga establisimyento na mayroong malaking bilang ng mga kostumer, at yaong mga risk o hazard-prone.
Sa pamamagitan ng DILG Memorandum Circular (MC) No. 2022-060, sinabi ni Año na kabilang sa mga establisimyento na dapat na mayroong CCTVs ay yaong mga financial establishments gaya ng mga bangko, pawnshops, money lenders, at money remittance services at mga kahalintulad nito; mga business establishments na maraming sangay; shopping malls, shopping centers, supermarkets, wet markets; at, medical facilities gaya ng mga pagamutan, klinika, at laboratory.
Kasama rin ang mga places of entertainment gaya ng mga theaters, movie houses, perya, internet cafes, arcades at iba pang lugar na nakahihikayat ng maraming kostumer; airports, public transportation terminals, parking lots at mga kahalintulad na establisimyento na pinupuntahan ng maraming sasakyan, gaya ng car dealerships, gasoline stations, vehicle maintenance/service stations; at iba pang kahalintulad na establisimyento na maaaring mangailangan ng CCTV cameras.
- Latest