Seguridad sa canvassing areas, ipatupad sa poll protest rallies — DILG
MANILA, Philippines — “Paigtingin ang seguridad sa lahat ng canvassing areas at ipagpatuloy ang pagpapatupad ng maximum tolerance sa lahat ng poll protest rallies.”
Ito ang naging kautusan kahapon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa Philippine National Police (PNP) dahil sa paglulunsad ng mga kilos protesta ng ilang supporters ng mga kandidatong natalo sa halalan dahil sa umano’y nagkaroon ng dayaan.
Kinikilala ni Año ang karapatan ng mga mamamayan na magpahayag ng kanilang sentimyento at reaksiyon ngunit nanindigan na ito’y dapat isagawa nang naaayon sa batas.
Kasabay nito, sinabi ng DILG chief na ang halalan noong Mayo 9 ay mapayapa at maayos kaya’t dapat aniyang antabayanan na lamang ng publiko ang opisyal na proklamasyon sa mga nanalo at irespeto ang boses ng nakararami.
Giit pa niya, dapat na magtulungan na lamang ang mga mamamayan para sa kabutihan ng bansa at ng mga mamamayan nito.
Hinikayat rin niya ang mga demonstrador na ihain ang kanilang mga protesta at reklamo sa mga kinauukulan, partikular na sa Commission on Elections (Comelec).
- Latest