5 presidential candidates magsasama sa pulong ngayon
MANILA, Philippines — Inanunsyo kahapon ng kampo ni Manila Mayor at presidential aspirant Isko Moreno, na isang pagpupulong ang magaganap ngayong araw na dadaluhan ng limang presidentiables.
Gaganapin ang meeting sa Rigodon Ballroom ng Manila Peninsula sa Makati City, base sa advisory ng kampo ni Moreno.
Kinumpirma naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa pamamagitan ng isang tweet na inimbitahan siya sa nasabing pagtitipon ng kanyang running mate na si Sen. Panfilo Lacson.
Pero tumanggi si Sotto na ihayag kung ano ang pag-uusapan sa meeting na magiging bukas sa media.
Ayon pa kay Sotto, sinabi ni Lacson na limang presidential candidates ang dadalo sa pagtitipon.
Imbitado rin aniya ang mga running mates ng mga tumatakbong presidente.
“I’m not aware of the purpose. I was just invited by Sen Ping. He said 5 presidential candidates are meeting and are inviting their running mates. That’s all I know,” ani Sotto.
Kinumpirma naman ng isang staff ni Sen. Manny Pacquiao na dadalo ito sa gagawing press conference.
“He (Pacquiao) will try to attend,” anang staff ni Pacquiao na si Bernard Peralta.
Bukod kina Moreno, Pacquiao at Lacson, tumatakbo rin sa pagka-presidente sina Vice President Leni Robredo, Ferdinand “Bongbong” Marcos, Ernesto Abella, Leody de Guzman, Norberto Gonzales, Faisal Mangondato, at Jose Montemayor Jr. – Ludy Bermudo
- Latest