Number coding sa NCR balik na
MANILA, Philippines — Nagkasundo ang mga alkalde ng National Capital Region (NCR) na ibalik muli ang implementasyon ng Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme tuwing afternoon rush hour.
Ito ang sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos, na ipatutupad ang number coding scheme mula Lunes hanggang Biyernes, alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi, at saklaw lamang ang mga pribadong sasakyan.
Hindi kabilang ang public utility vehicles (PUVs); Transportation Network Vehicle Services (TNVS), motorcycles, garbage trucks, fuel trucks, motor vehicles na nagdedeliber ng essential at perishable goods.
Base sa ulat, ang aktuwal na implementasyon ng number coding ay uumpisahan dalawang araw matapos mailathala ang resolusyon sa Martes.
Sinabi rin ni Abalos na ang pagpapatupad ng uniform light trucks ban ay mayroon ding pagbabago.
Batay sa UVVRP motor vehicle plate endings, ang mga light truck ay ipinagbabawal na dumaan sa EDSA sa pagitan ng Magallanes, Makati City at North Avenue, Quezon City, sa northbound at southbound mula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-9:00 ng gabi, Lunes hanggang Biyernes, maliban sa holidays.
- Latest