Drive-thru vaccination sa Maynila, larga na
MANILA, Philippines — Binuksan na sa publiko ang COVID-19 drive-thru vaccination site sa Maynila na matatagpuan sa Quirino Grandstand, sa tabi ng COVID testing site at ng Manila COVID-19 Field Hospital, kahapon ng umaga.
Mismong si Manila City Mayor Isko Moreno ang nanguna sa opening ng naturang vaccination site kung saan nasa 400 kaagad ang naitalang inisyal na naturukan ng COVID-19 vaccines kahapon.
Sinaksihan nina National Task Force (NTF) against COVID-19 Deputy Chief Implementor Secretary Vince Dizo, DOH-NCR assistant regional director Dr. Paz Corrales at Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, ang pagbubukas ng bagong vaccination site, na pinuri sa nakitang bilis at maayos na sistema.
Ayon kay Moreno, maaaring magpabakuna dito ang mga indibiduwal na may sasakyan na may apat na gulong, gaya ng jeep o kotse. Gayunman, nilinaw na hindi pa puwedeng pumila ang mga nakamotorsiklo o bike sa ngayon.
Aniya, kailangan din munang mag-register online at magpa-schedule sa kanilang website. Maaaring apat na tao ang magpabakuna dito lulan ng isang sasakyan basta’t rehistrado silang lahat sa manilacovid19vaccine.ph website ng Manila City government at kahit isa lang sa kanila ang naka-schedule.
Kahit hindi taga-Maynila ay maaari rin umanong mag-register at sumama sa drive-thru vaccination.
- Latest