Bulkang Taal, nakapagtala ng 74 pagyanig sa nakalipas na 24 oras
MANILA, Philippines — Sa nakalipas na 24 oras ay nakapagtala ang Bulkang Taal ng 74 pagyanig.
Ito ang iniulat ng Phivolcs, at kabilang dito ang 13 low frequency volcanic earthquakes, 61 na volcanic tremors na tumagal ng isa hanggang 25 minuto, at low-level background tremor na naitala simula noong Hulyo 7, 2021.
Nabatid na ibinuga ng Main Crater ang mataas na sukat ng volcanic sulfur dioxide gas at steam-rich plumes na may taas na 1,000 metro bago napadpad patungong kanluran-hilagang kanluran at timog kanluran.
Ang pagbuga ng sulfur dioxide (SO2) ay humigit-kumulang 6,488 tonelada kada araw noong Hulyo 10, 2021.
Patuloy na nakataas ang Alert Level 3 sa Taal Volcano at sa kalagayang ito, ang magma na nanunuot sa Main Crater ay maaaring magdulot ng malakas na pagsabog.
Pinaalalahanan din ng DOST-Phivolcs ang publiko na huwag pumasok sa Taal Volcano Island (TVI) na isang Permanent Danger Zone (PDZ) at pagpasok sa TVI at high-risk barangays ng Agoncillo at Laurel dahil sa panganib ng pyroclastic density currents at volcanic tsunami kung sakaling magkaroon ng malakas na pagputok.
- Latest