Robredo, Lacson, Cayetano bukas ang pagtakbo bilang pangulo sa 2022
MANILA, Philippines — Ipinahayag nina Vice President Leni Robredo, Senador Ping Lacson na nananatiling bukas sila na kumandidato sa pagkapangulo ng bansa sa 2022.
Ayon kay Robredo na wala pa naman siyang pinal na desisyon kung tatakbong gobernador ng Camarines Sur sa darating na national at local elections sa May 2022 at marami pa siyang ikinokonsiderang mga bagay pero nakakatiyak anyang maghahayag siya ng desisyon sa tamang oras.
Maging si Lacson ay pinag-iisipang tumakbo sa pagkapangulo ka-tandem ang kaibigang si Senate President Vicente Sotto III bilang bise-presidente.
Ayon kay Lacson, kailangan niyang mag-isip ng mahaba at matagal dahil malaking responsiblidad ang pagiging pangulo at maraming buhay ang nakaasa rito.
Ikinokonsidera rin ni dating House Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ang pagtakbo sa pagka-pangulo ng bansa.
Bukod sa pagka-presidente ay kanya ring pinag-iisipan na sumabak sa halalan para sa ibang mataas na posisyon sa gobyerno.
Ayon kay Cayetano, seryoso niyang ipinagdarasal ang bagay na ito at pinag-iisipang mabuti.
Aniya, ang isang kandidatong Pangulo ay dapat na may ‘track record’ ng magandang serbisyo sa publiko, may pananaw at may sapat na karakter sa pampanguluhan. - Gemma Garcia, Joy Cantos
- Latest