Salon, babershops indoor dining inirekomendang buksan
MANILA, Philippines — Inirekomenda ng Department of Trade and Industry (DTI) na ibalik na ang operasyon ng mga salon, barbershop at indoor dining sa National Capital Region (NCR) Plus bubble sa patuloy na pagpapatupad ng modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo, nagsumite na ng proposal si DTI Secretary Ramon Lopez sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), kung saan inirekomenda na payagang makapagbukas na ang mga restaurants o indoor dining kahit sa 10% capacity at ang personal care services sa 50% capacity.
Ipinaliwanag ni Castelo kahapon na kung maaprubahan ang kanilang rekomendasyon, mabibigyan ng trabaho ang nasa 500,000 displaced workers.
“Kung matutuloy na maka-open sakaling i-approve ng IATF ‘yung personal care services and indoor dining, we will have 400,000 workers doon sa personal care and another 100,000 sa restaurant na madadagdag sa dine-in,” ani Castelo sa Laging Handa public briefing.
Paliwanag pa niya, ang mga barbershops at salon ay maaari din naman maglagay ng outdoor spaces para sa bentilasyon.
Nasa 1.5 milyon manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay sa Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, and Bulacan – collectively, NCR Plus bubble nang umiral ang enhanced community quarantine mula Marso 29 hanggang Abril 12 at nitong Abril 12 hanggang Abril 30 na ipinatutupad ang MECQ ay nakabalik sa trabaho ang nasa 500,000.
Layunin nito, na kahit ang kalahati lang aniya, ng 1-milyon ang muling makapagtrabaho.
- Latest