Rapid antigen testing sa border checkpoints ng NCR plus, hirit
MANILA, Philippines — Iminungkahi kahapon ni 2nd District Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte sa National Task Force (NTF) Against COVID-19 na magsagawa ng Rapid Antigen testing sa mga border checkpoint o hangganan ng National Capital Region (NCR) plus bubble.
Sinabi ni Villafuerte na mas mainam na test–based na istratehiya na magsagawa ng rapid antigen test sa mga pumapasok o lumalabas sa NCR plus bubble. Ang mga lalawigan na katabi ng Metro Manila na saklaw ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ay kinabibilangan ng Rizal, Laguna, Bulacan at Cavite.
Ayon kay Villafuerte, maaaring atasan ni NTF chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. at mga Local Government Units (LGUs) na magtayo ng testing stations sa border checkpoints.
Sinabi ng solon na mas mababa ang presyo at mabilis lumabas ang resulta sa Rapid Antigen test kaya mas agaran ding maa-isolate ng mga awtoridad ang mga biyahero na magpopositibo at sa ganitong paraan ay matitiyak at hindi na kakalat pa ang virus lalo na ngayong may bagong variant na mas madaling makahawa.
- Latest