Dacera case, inilipat sa Makati prosecutors
MANILA, Philippines — Inendorso na kahapon ni Prosecutor General Benedicto Malcontento sa Makati City Prosecutor’s Office ang mga isinampang kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa 11 indibidwal na nasangkot sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera na unang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Ayon kay Guevarra, maaaring isabay na ng Makati prosecutors na iresolba ang mga bagong kaso sa naunang naisampa sa kanila na kasong rape with homicide sa ilang indibidwal.
Tiniyak naman ni Malcontento na tatratuhin pa rin na magkakahiwalay ang mga kaso na isinampa ng NBI at ng Philippine National Police.
Kabilang sa mga sinampahan ng sari-saring kaso sina Mark Anthony Rosales, Rommel Galido, John Pascual dela Serna III, Darwin Joseph Macalla, Gregorio Angelo Rafael de Guzman, Jezreel Rapinan, Alain Chen, Reymar Englis, Louie Delima, abogado nilang si Atty. Neptali Maroto.
Sinampahan sila ng reckless imprudence resulting in homicide, obstruction of justice, “administering illegal drugs”, at perjury.
Sinampahan rin ng kasong falsification of an official document by a public offcer si medico-legal officer Police Major Michael Nick Sarmiento na siyang nag-utos sa pag-embalsamo sa labi ni Dacera kahit walang paalam sa pamilya ng dalaga.
- Latest