Kaso ng paglabag sa quarantine ni Koko, ibinasura ng DOJ
MANILA, Philippines — Ibinasura ng Department of Justice ang reklamo laban kay Senador Koko Pimentel kaugnay sa hindi pagsunod sa quarantine protocol nang magtungo sa Makati Medical Center noong Marso 2020 upang samahan ang misis na manganganak.
Ayon kay Prosecution Attorney Honey Delgado, tagapagsalita ng Office of Prosecutor General, depektibo ang inihain na reklamo ni Atty. Rico Quicho dahil hindi siya ang tamang partido upang maghain ng kaso.
Ayon sa DOJ, ibinase ang reklamo ni Quicho sa mga ulat lamang sa dyaryo at radyo na maituturing na “hearsay.”
Mismong ang National Bureau of Investigation din aniya ang nagrekomenda na maibasura ang kaso laban kay Pimentel.
Si Pimentel ay kinasuhan ng paglabag sa RA 11332 ng Mandatory Reporting of Notifiable Diseases.
Nabatid na nagtungo ang senador sa Makati Med kahit itinuturing siya na Person Under Investigation na sa kalaunan ay nagpositibo sa Covid-19.
- Latest