Hotel na pinagdausan ng party ni Dacera sinuspinde
MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Department of Tourism (DOT) ng 6 buwan ang City Garden Grand Hotel na pinagdausan ng New Year’s Party ng grupo ng nasawing flight attendant na si Christine Angelica Dacera.
Ayon sa DOT, ang pagtanggap ng mga ‘guest for leisure’ sa kabila ng pagiging quarantine facility ay dahilan para bawiin ang Certificate of Authority to Operate ng nasabing hotel.
Lumabas sa imbestigasyon na may ‘misrepresentation’ sa publiko ang hotel sa ginagawang pagpayag nitong tumanggap ng guest/s for leisure o staycation.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa kontrobersiyal nang matagpuang patay si Dacera sa isang kuwarto na pinagdausan noong Enero 1, 2021.
Nakakuha ng mga ebidensiya ang DOT na bago matapos ang insidente sa Dacera case, ay tumatanggap ang nasabing hotel ng mga guest para sa pag-aaliw.
Bukod sa pagbawi ng Certificate of Authority to Operate at pagsuspinde sa operasyon, inatasan ding magmulta ng P10,000 ang hotel. - Danilo Garcia
- Latest