Pulis opisyal todas sa Cavite ambush
Misis at anak sugatan…
MANILA, Philippines — Dead on the spot ang isang police captain habang nasugatan ang kanyang misis at anak na babae nang sila ay pagbabarilin sa loob ng kanilang sasakyan ng mga suspek na lulan naman ng SUV sa naganap na ambush kahapon ng umaga sa Imus City, Cavite.
Ang nasawi ay kinilalang si Police Captain Ariel Ilagan, 48, may-asawa at kasalukuyang nakadestino sa SPD. Habang nasugatan at ginagamot sa isang ospital ang misis nitong si Mary Grace Ilagan, 48, empleyado ng Manila International Airport Authority (MIAA) na nagtamo ng tama ng bala sa kanang kamay habang tinamaan sa kaliwang hita ang anak na si Audrey Gale Ilagan, 20, isang estudyante at pawang residente sa Kawit, Cavite.
Sa ulat ng pulisya, bago naganap ang pamamaril alas-6:00 ng umaga ay minamaneho ng pulis ang kanyang Toyota Fortuner (AA05161) kasama ang misis at anak.
Pagsapit sa panulukan ng Lakersfield Subd., at Alapan Road, Brgy. Alapan 1-B ay sumulpot ang isang Toyota Innova sakay ang mga suspek at agad na niratrat ang mga biktima.
Nang masiguro ng mga suspek ang kanilang target na pulis ay tumakas na ang mga ito na kung saan ay hindi rehistrado ang sasakyang ginamit.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo nang pagpatay sa pulis.
- Latest