Implementasyon ng cashless payment pinalawig sa Disyembre 1
MANILA, Philippines — Pinalawig ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) hanggang sa Disyembre ang full implementation ng cashless toll collections sa mga toll roads sa bansa.
Ito ay bilang tugon sa panawagan ng mga motorista, na hanggang ngayon ay wala pa ring RFID stickers sa kanilang sasakyan.
Ayon sa DOTr, ang naturang ekstensiyon ay nangangahulugan na ang Department Order 2020-012 na nagmamandato ng cashless mode of payment o 100% paggamit ng electronic payment systems sa mga expresways, ay magsisimulang ipatupad sa Disyembre 1, mula sa dating schedule na Nobyembre 2.
Paglilinaw naman ng DOTr, non-extendible na ang naturang petsa.
Ayon naman kay Toll Regulatory Board (TRB) Executive Director Abraham Sales, pinayagan ni DOTr Secretary Arthur Tugade ang ekstensiyon upang mabigyan ng mas mahabang pagkakataon ang mga motorista, para makapagpakabit ng RFID, at tumalima sa department order.
Una nang ipinag-utos ng DOTr ang implementasyon ng cashless transaction sa toll roads upang maiwasan ang hawahan ng COVID-19, gayundin ang traffic congestion sa mga toll plazas.
Ang mga motorista na mabibigong sumunod sa mandato ay huhulihin at iisyuhan ng citation ticket.
- Latest