Año humirit ng P5 bilyong pondo sa contact tracers
MANILA, Philippines — Inihirit ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Kongreso ang paglalaan ng P5 bilyon mula sa pondong P162 bilyon sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2 para sa hiring at training ng mga contact tracer sa gitna ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 pandemic.
Sa ipinadalang sulat ni Interior Secretary Eduardo Año kay Senate President Vicente Sotto III at Majority Leader Juan Miguel Zubiri, ipinanukala nito ang hiring at training ng 50,000 contact tracers simula sa Setyembre.
Aniya, ito ang inirekomendang bilang ng World Health Organization kung saan sa bawat isang contact tracer ay nasa 800 indibidwal ang kanilang hahanapin.
Ayon pa kay Año, nakabuo na sila ng 7,000 contact tracing teams kung saan nasa mahigit 85,000 contact tracers ang nakapaloob dito.
Sa kabila nito, sinabi ng kalihim na ang kasalukuyang bilang ng mga contact tracer ay hindi kayang tugunan ang rekomendasyon ni contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na 1:37 patient sa close contacts ratio para mabali ang transmission ng nasabing sakit.
- Latest