Convalescent plasma ibinebenta ng COVID-19 survivors — DOH
MANILA, Philippines — Ibinulgar ng Department of Health (DOH) na may ilang indibidwal umano ngayon ang sinasadya na mahawa ng coronavirus disease (COVID-19) upang magkaroon ng ‘anti-bodies’ at sa oras na gumaling ay makapagbenta ng ‘convalescent blood plasma’ na binibili ngayon ng pamilya ng mga pasyente na dinapuan ng virus.
“The DOH emphasizes that these alleged transactions and practices are illegal, reckless and dangerous. Those individuals do not only place their lives at risk, but they also put their families and communities at risk when they voluntarily get infected,” ayon sa DOH.
Matatandaan na ginagamit ng Philippine General Hospital (PGH) ang ‘blood plasma’ sa paggagamot sa mga pasyente ng COVID-19 na kung ilang senador na rin ang nag-donate nito kabilang si Senador Sonny Angara para makatulong sa ibang pasyente na nakaratay dahil sa virus.
Kaya’t nagbabala ang DOH sa publiko laban sa pagbili at pagbebenta ng convalescent plasma ng mga pasyenteng nakarekober sa coronavirus disease o COVID-19 dahil sa ito ay maaaring magdulot ng impeksyon sa mga pasyente na maaaring mailipat tulad ng HIV, hepatitis at malaria.
Tanging ang Philippine Blood Center at Philippine Red Cross-Port Area lamang ang sertipikado na ‘non-hospital convalescent plasma collection facilities’ habang ang Philippine General Hospital at St. Luke’s Medical Center ang sertipikadong mga pagamutan para mangolekta nito para magamit sa kanilang internal protocols.
Bagama’t nakita ang magandang epekto nito sa mga pasyente, nilinaw ng DOH na pinag-aaralan pa ang pagiging epektibo nito.
- Latest