Minority Senators umalma sa pagbuhay ng bitay
MANILA, Philippines — Inalmahan ng minority bloc sa pamumuno ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang parusang kamatayan sa drug-related crimes sa pamamagitan ng lethal injection.
Sinabi nina Drilon, Senators Francis “Kiko” Pangilinan at Risa Hontiveros na hindi dapat inuuna ang pagbabalik ng death penalty dahil mahina ang ating justice system at may pandemyang kinakalaban ang pamahalaan.
“I have consistently opposed the imposition of the death penalty because of our deficiencies in our justice system. You make a mistake in imposing the death penalty, you can never correct that mistake,” ayon kay Drilon, dating justice secretary.
Magugunita sa State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, hiniling ni Pangulong Duterte sa Kongreso na ibalik ang death penalty sa pamamagitan ng lethal injection.
Pumalag din si Pangilinan sa pagkuwestiyon kung ano ang prayoridad ng administrasyon sa gitna ng pananalasa ng coronavirus 2019 (COVID-19).
“Walang saysay ang death penalty sa pagtugon sa pinakamatinding krisis ng kalusugan at ekonomiya na hinaharap ng bansa,” ayon sa senador.
Sinabi naman ni Hontiveros na dapat pagtuunan ng Palasyo ang pagpapasigla ng ekonomiya, hindi ang pagbabalik ng death penalty.
Samantala, suportado naman ni Senate President Vicente Sotto III ang pagbabalik ng death penalty pero ipapataw lamang sa high-level drug traffickers.
- Latest