DOH: Mild, asymptomatic cases dalhin sa temporary treatment centers
MANILA, Philippines — “Huwag munang tumanggap ng mga COVID patients na asymptomatic at may mild cases at sa halip na i-refer ang mga pasyente sa mga pansamantalang treatment at quarantine facilities.
Ito ang naging panawagan ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire makaraang 11 ospital sa Metro Manila ang mayroong 100 porsyentong utilization rate sa kanilang intensive care unit beds para sa mga pasyente ng coronavirus.
“Part po ng ating protocol na kapag mild at asymptomatic, ire-refer po sa temporary treatment and monitoring facility para di po ma-congest ang ating hospitals,” saad nito.
Subalit, nilinaw ng opisyal na ang mga pasyenteng mild at asymptomatic na may pre-existing condition ay papayagang ma-confine sa mga ospital.
Ayon kay Vergeire, maaaring magkaroon ng ideya ang mga ospital mula sa paraan ng Philippine General Hospital, na nakipagtulungan sa Philippine International Convention Center (PICC), na isa nang pansamantalang treatment at monitoring facility para sa mild at asymptomatic patients.
Hindi naman binanggit ni Vergeire kung anong mga ospital ang tumatanggap ng mild at asymptomatic COVID-19 patients, ngunit sinabing pinaalalahanan na ni DOH Secretary Francisco Duque III ang mga ospital sa isang pagpupulong nitong Lunes na sundin ang protocol.
- Latest