AFP at PNP nagbunyi sa bagong Anti-Terror Law
MANILA, Philippines — Sa kabila na maraming kontra, nagbunyi naman ang hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa ginawang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bagong Anti-Terror law na layong mapalakas ang paglaban ng gobyerno sa terorismo.
“We are elated to know that the President has signed into law the Anti-Terrorism Bill that capacitates government security forces that cause inordinate sufferings of our people,” pahayag ni AFP Spokesman Major Gen. Edgard Arevalo.
Sinabi ni Arevalo na sa pamamagitan ni Anti-Terrorism Act of 2020, higit na mapapalakas ang kapangyarihan ng AFP upang magapi ang mga terorista at mabigyang proteksyon ang mamamayan.
Sa panig naman ng PNP, sinabi ng tagapagsalita nito na si Brig. Gen. Bernard Banac na welcome sa kanilang hanay ang pag-apruba ng Pangulo sa nasabing bagong batas. Aniya, ipatutupad nila ang batas at hindi ito aabusuhin alinsunod sa nakapaloob dito.
Samantala, tiniyak din ni Interior Sec. Eduardo Año na hindi magagamit ang Anti-Terrorism Act of 2020 sa opresyon at pang-aabuso.
Pinasalamatan din ni Año ang Pangulo sa ginawa nitong paglagda sa naturang bagong batas, gayundin ang mga senador at mga miyembro ng House of Representatives na ginawang prayoridad ang interes ng bansa, at ang mga local government officials na sumuporta sa pagpapasa nito.
- Latest