Jeepney drivers gagawing ‘contact tracers’
MANILA, Philippines — Pinaplano na rin ng pamahalaan na gawing “contact tracers” ng mga posibleng nakasalamuha ng mga may COVID-19 ang mga jeepney drivers upang mabigyan sila ng pagkakakitaan matapos matengga dahil sa umiiral pa ring lockdown.
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ikinokonsidera na ng gobyerno ang pagbibigay ng livelihoods sa mga jeepney drivers at may panukala na bigyan sila ng trabaho.
Sinabi rin ni Roque na kailangan ng gobyerno ng karagdagang 120,000 na contact tracers upang idagdag sa kasalukuyang 30,000.
“Well, actually considering alternative livelihood for them, there’s a suggestion that they be employed as contact tracers, because we do need about a hundred twenty thousand of them and there’s only about thirty thousand employed so far,” ani Roque.
Binanggit ni Roque na ikinokonsidera na rin nila ang “complete reconfiguration” ng mga jeep upang makasunod sa minumum health standards.
Nauna rito, sinabi ni Roque na imposibleng magkaroon ng social distancing sa mga jeep kung saan magkakaharap ang mga pasahero.
Idinagdag ni Roque na may mga modernong jeep na posibleng payagang bumiyahe kung saan hindi magkakaharap ang mga pasahero.
- Latest