6 na lugar idinagdag sa MECQ
MANILA, Philippines — Anim pang probinsiya ang inilagay sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) na tatagal hanggang Mayo 31, 2020.
Sa Resolution 37 ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, idinagdag ang Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Zambales at Angeles City.
Tinanggal naman sa MECQ ang Cebu City at isinalalim sa enhanced community quarantine (ECQ) kasama ang Mandaue City.
Nakasaad sa resolusyon na itinuturing pa ring “high risk” sa COVID-19 ang Mandaue City at Cebu City.
Maliban sa lahat ng mga nabanggit na lugar, ang buong bansa ay nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Ipinaliwanag ng IATF na ang MECQ ay ang transition phase sa pagitan ng ECQ at GCQ.
Ang “minimum public health standards” na inilabas ng Department of Health para sa GCQ katulad nang pagsusuot ng face masks at social distancing ay dapat ding sundin sa MECQ sa lahat ng oras.
Kasama sa nasa MECQ hanggang Mayo 31 ay ang lalawigan ng Laguna at National Capital Region kabilang ang munisipalidad ng Pateros.
- Latest