9 tumanggap ng ayuda ng DSWD, 8 pa timbog sa sugal
MANILA, Philippines — Labing-pitong katao kabilang ang 9 benepisaryo ng Special Amelioration Program (SAP) ng DSWD ang inaresto ng mga otoridad sa gitna ng mahigpit na pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa magkakahiwalay na lugar sa Cagayan Valley, kamakalawa.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Brig. Gen. Angelito Casimiro, Regional police director ng Cagayan Valley, nakilala ang mga nahuling suspek na sina Jeka Arica; Felipa Manuel; Lorna Dela Cruz; Sheryl Ramirez; JR Ariola at Daniel Versola pawang mga nakatanggap ng SAP at kapwa mga residente ng Barangay Masikal, Sto. Niño, Cagayan.
Ang iba pang mga SAP beneficiaries na natiklong nagsususgal ay sina Arnel Manalo, 29;Jolita Talosig, 63; at Valentino Allapitan, 45, pawang mga magsasaka na mga residente ng Purok 6, Barangay Lapogan, Tumauini, Isabela.
Naaresto rin sa ibang operasyon sina Almar Zipagan, 38; at Marjon Pacano, 18; kapwa ng Brgy. Buenavista sa bayan ng Angadanan; Rene Acob, 53; Flora Mae Tominez, 37; Vaneza Tominez, 30, at tatlong estudyante na itinago sa mga pangalang Rachelle, 17; Aldrin, 13; at Arnold, 17; pawang mga residente ng Brgy. Buenavista, Santiago City.
Pormal nang sinampahan ng pulisya ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 o Anti-Gambling Law at RA 11332 o sa umiiral na enhanced community quarantine.
- Latest